PANGANIB NG NATUMBANG PUNO SA LOOB NG ISANG PAARALAN SA BAYAMBANG, AGAD NA INAKSYUNAN

inaksyunan ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang panganib na dulot ng natumbang punong acacia sa loob ng Old Central School sa pamamagitan ng isinagawang clearing operation noong Enero 30, 2026.

Isinagawa ang aktibidad sa tulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Municipal Engineering Office, at Ecological Solid Waste Management Office upang alisin ang punong nakahilig at posibleng magdulot ng banta sa kalapit na mga gusali at sa kaligtasan ng mga dumaraan sa lugar.

Ayon sa mga kinauukulang tanggapan, agarang tinugunan ang sitwasyon upang maiwasan ang anumang posibleng aksidente o pinsala.

Kasabay ng pagputol ng puno, isinagawa rin ang pagtanggal ng mga lumang poste ng street lights sa lugar.

Ito ay upang bigyang-daan ang pag-install ng mga solar street lights bilang bahagi ng mga hakbang sa kaligtasan at modernisasyon ng mga imprastraktura.

Patuloy naman ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa publiko na makipagtulungan sa mga hakbang para sa kaligtasan at kaayusan sa bayan.

Facebook Comments