
Pinalakas ng Pangasinan PNP at ng lokal na pamahalaan ng Basista ang kanilang koordinasyon upang tiyakin ang maayos at epektibong pagtugon sa gitna ng idineklarang State of National Energy Emergency.
Nagsagawa ng courtesy call si Pangasinan PNP Provincial Director PCOL Arbel C. Mercullo kay Basista Mayor Jolly R. Resuello at nagpulong upang pagtibayin ang ugnayan ng kapulisan at lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang kaugnay ng mga pambansang isyu, partikular ang krisis sa enerhiya.
Tinalakay sa pagpupulong ang deklarasyon ng Pangulo hinggil sa State of National Energy Emergency at ang pagpapatupad ng Whole-of-Government Response Framework. Binigyang-diin ng dalawang panig ang kahalagahan ng nagkakaisang aksyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mapanatili ang katatagan at maayos na paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Napag-usapan din ang mahigpit na pagbabantay sa galaw ng presyo ng mga produktong petrolyo tulad ng gasolina at diesel. Layunin nitong maprotektahan ang publiko laban sa posibleng manipulasyon ng presyo at matiyak ang transparency sa merkado.
Kasabay nito, inihanay rin ang mga estratehiya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan upang masuportahan ang mga direktiba ng pambansang pamahalaan sa gitna ng umiiral na hamon.
Ayon sa PNP Pangasinan, ang naturang hakbang ay patunay ng matibay na ugnayan ng kapulisan at LGU ng Basista—na nakatuon sa pananagutan, kahandaan sa operasyon, at patuloy na pangangalaga sa kaligtasan at kapakanan ng mamamayan sa gitna ng nagbabagong pambansang sitwasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










