Pinabulaanan ng Pangasinan Police Provincial Office ang mga ulat ukol sa umano’y pagkalat ng ilegal na sugal sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa inilabas na pahayag ng Pangasinan PPO, mahigpit umano nilang binabantayan at patuloy ang kanilang kampanya laban sa illegal gambling.
Mula Enero 1 hanggang Pebrero 7, 2026, isinagawa ang intensified operations sa iba’t ibang bayan, nagresulta sa mahigit 200 katao na arestado, pagkumpiska ng pera at gambling paraphernalia mula sa card games, drop ball at color games, cockfighting, mahjong, bet games, at bingo.
Noong nakaraang taon naman, sa kabuuan ng kampanya, 55 operasyon ang naisagawa, 220 katao ang naaresto, at mahigit ₱127,000 ang nakumpiska mula sa ilegal na pustahan.
Bukod pa rito, pinatitibay rin ng PNP ang monitoring laban sa Small Town Lottery (STL) bookies at iba pang ilegal na aktibidad na hindi awtorisado ng PCSO.
Iginiit ng pulisya na tuloy-tuloy ang kampanya at lahat ng ulat ng illegal gambling ay agaran nilang inaaksyunan.








