Panggigipit sa vlogger na nagkakalat ng ‘destabilisasyon,’ itinanggi ng PNP chief

Itinanggi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., na panggigipit ang kanyang pagsasampa ng kaso laban sa dating heneral na nagkalat umano ng fake news tungkol sa pagkakasangkot ng mga pinuno ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa destabilization plot laban sa administrasyon.

Ayon kay Acorda, umaakto lang siya bilang pulis sa nakikitang niyang nagawang paglabag sa batas ni retired AFP General Johnny Macanas Sr., sa kanyang inilabas na vlog.

Aniya, nirerespeto niya ang kalayaan sa pamamahayag pero kung may nakita siyang kriminal na gawain, tungkulin niya bilang isang pulis na ipatupad ang batas, lalo na kung may kinalaman ang paglabag sa pambansang seguridad.


Dagdag pa nito, handa niyang harapin ang anumang reklamo laban sa kanya, kung nais ni Macanas na mag kontra-demanda.

Matatandaang sa vlog ni Macanas, pinalabas niya na kinukumbinsi umano ng mga pinuno ng PNP at AFP si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bumaba na sa pwesto.

Facebook Comments