Pinaiimbestigahan ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang ginawang panggigipit umano ng Office of the Solicitor General (OSG) sa National Telecommunications Commission (NTC) kaugnay sa hindi pagbibigay ng provisional authority to operate sa ABS-CBN.
Sa resolusyong inihain ng mambabatas, pinagco-convene ang Kamara bilang Committee of the Whole para talakayin ang usapin na ito at para mabigyan na rin nang pagkakataon si Solicitor General Jose Calida at mga opisyal ng NTC sa pagpapasara sa ABS-CBN sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Naniniwala ang kongresista na inimpluwesyahan ng OSG ang NTC para bumaligtad ito sa pangako sa Kongreso na bibigyan ng provisional authority to operate ang giant network.
Nagkaroon aniya ng perjury at paglabag sa Graft and Corrupt Practices Act ang OSG at mga opisyal ng NTC.
Mababatid din aniya na naglabas ng legal opinion ang Department of Justice (DOJ), at gumawa ng resolusyon ang Senado, para himukin ang NTC na payagan ang ABS-CBN na makapag-operate habang dinidinig pa ng Kamara ang prangkisa ng naturang kompanya.
Samantala, ngayong araw ay magpapatawag ng pulong si Speaker Alan Peter Cayetano para talakayin ang iba pang hakbang o remedyo na maaaring gawin ng Kamara hinggil sa usapin ng ABS-CBN franchise.