Pinaiimbestigahan ng Makabayan Bloc sa House Committee on Foreign Affairs ang pangha-harass muli ng Chinese Coast Guard o CCG sa West Philippine Sea (WPS) kamakailan.
Ang hirit na imbestigasyon sa Kamara ay nakaaloob sa House Resolution 1527 na inihain nina Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.
Pangunahing tinukoy sa resolusyon ang mga pambobomba ng tubig ng CCG sa mga barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc noong Dec. 9, habang nasa humanitarian at support mission gayundin ang ginawa nitong harassment noong Dec. 10 sa mga magsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal sa Palawan.
Sa resolusyon ay hinihikayat din ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ipagpatuloy ang “diplomatic actions” laban sa panggigipit ng China.
Giit ng Makabayan Bloc, ang mga agresibong pagkilos ng China laban sa mga sasakyang-pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay seryosong banta sa kapayapaan at katatagan sa mga teritoryo ng ating bansa na hindi dapat palagpasin.