Pansamantalang ipinatitigil muna ng House Transportation Oversight Committee on the Roll-Off-Roll-On port system ang pangongolekta ng Cebu Port Authority (CPA) ng mga kwestyunableng bayarin sa pantalan ng Cebu.
Sa pagdinig ng komite na pinangunahan ni House Speaker Gloria Arroyo, lumabas na 5 taon ng nangongolekta ng bahagi ng kita sa pantalan ang CPA ng walang anumang legal na basehan.
Lumabas din sa pagdinig na taong 2004 pa nang pumasok sa sampung taong compromise agreement ang lokal na pamahalaan ng Tabuelan sa Cebu at CPA para makakolekta ng 40% sa mga nasisingil ng Tabuelan Port.
Nabatid pa na hiniling na ng LGU ng Tabuelan sa CPA na gawing 20% na lamang ang kanilang ibigay dito simula noong matapos ang compromise agreement taong 2014 pero hindi ito pinansin ng CPA.
Sa abila ng natapos na ang kasunduan patuloy pa rin ang pangongolekta ng CPA ng 40% share sa kita ng pantalan.
Nabatid ni Arroyo na nangongolekta ng bayad ang Tabuelan Port para lamang may ipambayad sa kinukuha sa kanilang share ng Cebu Port Authority.