Inihain ni Senador Grace Poe ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan sa pangulo na suspindihin ang pagtaas sa kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang mabawasan ang dagdag-pasanin sa mga Pilipino sa kritikal na panahon.
Nakasaad sa panukala ni Poe na sa ilalim ng state of national emergency o public health emergency o state of national calamity, ay maaaring suspindihin ng pangulo ang pagtaas sa kontribusyon sa PhilHealth alinsunod sa rekomendasyon ng PhilHealth Board matapos ang konsultasyon sa mga apektado.
Base sa panukala, maaring bawiin ang suspensyon sa pagtaas ng kontribusyon sa oras na matanggal na ang mga kundisyon.
Paliwanag ni Poe, sa pagbibigay kapangyarihan sa pangulo na ipagpaliban ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth sa panahon ng pangangailangan, maisasalba rin natin ang ating mga kababayan mula sa kagipitan.
Umaasa si Poe na mabibigyan ng atensyon ang kaniyang panukala upang masuspinde ang pagtataas sa kontribusyon na ipinatupad na ng PhilHealth simula nitong Hunyo.
Mula 3 porsiyento, ay itinaas na sa 4 porsiyento ang premium rate na kasalukuyang sinisingil ng PhilHealth at retroactive ang pagtaas mula Enero nitong taon.