Nagpasalamat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., (PBBM) sa mahigit 31 milyong mga Pilipino na bumoto at naniwala sa kanya para maging presidente ng bansa.
Ayon sa pangulo, utang niya sa sambayanang Pilipino kung bakit siya nailuklok sa pwesto.
Dahil dito, nangangako si PBBM, na gagawin ang lahat ng makakaya upang matupad ang mga ipinangako noong panahon ng kampanya.
Sinabi pa ni PBBM na kailangang mag-focus na ang lahat at mag-move forward tungo sa pagkakaisa.
Kumbaga ay huwag nang balikan at ungkatin ang nakaraan.
Ang mahalaga ani PBBM ay magkaisa ang lahat para sa ikauunlad ng bansa.
Lalo pa ngayong pasigla pa lamang muli ang ating ekonomiya dahil sa COVID-19 pandemic.
Ani Marcos, kung ano ang pangarap ng taumbayan ay pangarap din niya tulad ng pagkakaroon ng payapa at maunlad ng bansa.
Sinabi rin nito na asahan ang mga pagbabago sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Kung saan ipinangako nito ang pagiging food sufficient ng bansa, pagbibigay ng tulong at mga kinakailangan ng mga bagong bayani tulad ng mga medical healthworker at mga Overseas Filipino Worker (OFW) at marami pang iba.
Kasunod nito, kumpiyansa si PBBM na kaya ng mga Pilipino ang ninanais na pagbabago basta’t magtutulungan at magkakaisa ang lahat.
Kapansin-pansin na hindi gumamit ng teleprompter si PBBM.