Kinumpirma ng Malacañang na matutuloy ang pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at US President Joe Biden, sa sidelines ng United Nations General Assembly (UNGA).
Sa isang pahayag sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na pag-uusapan ng dalawang lider ang 76 na mabungang taon ng pagiging magka-alyansa ng Pilipinas at Amerika.
Partikular aniyang magiging sentro ng pulong ng dalawang lider ang usapin ng mutual cooperation, two-way trade o pagpapayabong ng kalakalan, direct investments o pamumuhunan ng Amerika sa Pilipinas at iba pang mga isyung kinakaharap ng mundo.
Ito ang unang pagkakataon na magkikita at magkakaharap sina Pangulong Marcos at US President Biden.
Hindi naman tinukoy ng palasyo kung anong petsa at eksaktong oras ang pagpupulong ng dalawang lider.
Nakatakdang bumalik sa Pilipinas ang Pangulo sa Setyembre 24.