Bumiyahe na patungong Bangkok, Thailand si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para dumalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation 2022 (APEC) Leaders’ Summit sa Nobyembre 18 hanggang 19.
Sa kaniyang departure speech, sinabi ni Pangulong Marcos na ang APEC Summit ay isang pagkakataon para sa bansa na itulak ang economic agenda at iba pang prayoridad nito para sa Pilipinas.
Kabilang dito ang pagpapalakas ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) at ang pagkakasama nito sa global value chain, pagtiyak ng food at energy security, at climate change mitigation at adaptation.
Inaasahang magkakaroon ng anim na bilateral meetings si Pangulong Marcos sa sidelines ng summit, na dadaluhan ng mga lider mula sa 21 member economies ng Asia Pacific region.
Makikipagpulong din ang pangulo sa mga negosyante sa Thailand upang talakayin ang mga oportunidad sa negosyo, pamumuhunan, at expansion plan.
Bibisitahan din ni Pangulong Marcos ang Filipino community sa Thailand.