Nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mas maraming economic activities sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Ito ay kinumpirma ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babes” Romualdez kung saan sinabi nito na nakipag-usap na siya kay Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno hinggil sa usapin.
Prayoridad aniya ang pagkuha ng mas maraming mamumuhunan mula sa Amerika dahil makakatulong ito sa muling pagsigla ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi rin ni Romualdez na ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at US ay napakatatag at malakas dahil malinaw na nais ni US President Joe Biden na makipagtulungan kay Pangulong Marcos.
Una na ring nakipagpulong si US Deputy Secretary of State Wendy Sherman kay Marcos para pag-usapan kung paano palalakasin ang alyansa ng Pilipinas at Amerika kung saan tinalakay nila ang ekonomiya, karapatang pantao at isang malayang rehiyon ng Indo-Pacific.
Matatandaang, binigyang-diin ni Pangulong Marcos sa kaniyang inagurasyon kahapon ang kahalagahan ng pagpapalakas at magandang relasyon sa iba pang mga bansa upang makabawi ang ekonomiya dulot ng COVID-19 pandemic.