Nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na makakuha ang Pilipinas ng mga bagong bakuna o new generation vaccines laban sa COVID-19 Omicron subvariants.
Ayon sa pangulo, mahalagang magkaroon ng mga bagong bakuna ang bansa para maiturok sa lahat ng mga Pilipinong nangangailangan nito.
Giit ng pangulo na mahalaga ang pagpapa-booster shot sa panahong ito para mas malakas ang maging proteksyon laban sa mga bagong subvariant, lalo na’t balik-eskwela na ang mga mag-aaral.
Maliwanag din aniya sa mga pag-aaral na maliit ang tyansang ma-ospital ng mga nagpopositibo sa virus kung may booster shot.
Samantala, sinabi naman ni Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na inaasahan nilang ilalabas na ng mga manufacturers sa Oktubre ang mga bagong bakuna kontra COVID-19.