Kinumpirma ng Malacañang na nakipagkita si House Speaker Alan Peter Cayetano kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi matapos ang mga pangyayari kahapon sa Kongreso.
Una nang nagbitiw si Cayetano bilang Speaker na hindi naman tinanggap ng mayorya ng mga kongresista.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa pulong ay inulit ni Pangulong Duterte ang kanyang posisyon na ang “leadership squabble” sa Kamara ay isang internal matter ng co-equal branch sa gobyerno.
Ang bilin lamang aniya ng Pangulo ay kailangang maipasa ang 2021 national budget para maisakatuparan ang COVID-19 response ng pamahalaan.
“Ang bilin po niya, kinakailangang mapasa talaga ang budget sa lalong mabilis na panahon dahil nakapaloob po sa budget yung ating COVID-19 response. At kung magkakaroon po tayo ng reenacted budget ay yung budget sa taong ito po, wala pong COVID-19 response dyan dahil wala pa namang COVID,” ayon kay Roque.
Nilinaw naman ni Sec. Roque na nagkataon lang ang nasabing pulong.
“Ito po ay in-arranged two weeks ago pa by Bro. Eddie and it is really a pray over.”
Nabatid na kasama ni Cayetano sa pulong ang misis nitong si Taguig City Rep. Lani Cayetano, kapatid nitong si Sen. Pia Cayetano, Deputy Speaker Rep. Eddie Villanueva at Sen. Bong Go.