Sa layuning makamit ang matagal nang inaasam-asam na kapayapaan sa Mindanao, nagpulong sina Pangulong Rodrigo Duterte at Moro National Liberation Front (MNLF) founding chairman Nur Misuari nitong Weekend sa Davao City.
Sa ambush interview kay Senator Bong Go sa LNMB kanina kasabay ng paggunita ng National Heroes Day, sinabi nitong nakatakda ulit magpulong ang dalawa pero mas maraming tao o grupo na ang involved.
Hindi na idinetalye pa ni Go kung ano ang napag-usapan sa pulong ng dalawang opisyal pero layon ng pag-uusap ang pagkakaroon ng kapayapaan sa Mindanao.
Matatandaang nagpulong na sina Duterte at Misuari noong February 25, March 19, at July 10.
Sa briefing kamakailan sa Palasyo, sinabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez na nais magkaroon ng tinatawag na MNLF-MILF joint accord committee sa gitna na rin ng adhikain ng administrasyon na makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Kabilang na dito ang BASULTA o Basilan, Sulu at Tawi-Tawi na ayon kay Galvez ay kilalang balwarte ni Misuari.