Manila, Philippines – Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Armed Forces of the Philippines na bakbakan ang puwersa ng New People’s Army.
Ito ay matapos naman ang pagpapahinto ng Pangulo sa formal peace talks sa mga rebelde dahil sa pagatake ng mga ito sa puwersa ng pamahalaan.
Sinabi ni Pangulong Duterte sa harap ng mga sundalo sa Marawi City nang ito ay bumisita kahapon, pagkatapos ng giyera laban sa mga terorista ay isusunod na niya ang mga NPA dahil nabubuhay nanaman ang mga ito.
Paliwanag ng Pangulo, ayaw na niyang makipagusap sa mga rebeldeng NPA dahil marami na itong utang sa gobyerno o ang mga pagpatay sa mga pulis at sundalo.
Matatandaan na bukod sa formal peace talks ay inihinto narin ng pamahalaan ang back channeling talks sa mga rebelde dahil sa sunod sunod na pagatake sa puwersa ng pamahalaan tulad nalang ng pagpatay sa dalawang sundalo sa Palawan at pakikipagbakbakan sa mga tauhan ng Presidential Security Group.