Binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan ang mga batang may edad 10 hanggang 14 taong gulang na lumabas ng kanilang mga bahay sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Sa kanyang Talk to the Nation Address, ginawa ni Pangulong Duterte ang desisyon bilang pag-iingat lalo na at pumasok sa bansa ang bagong variant ng COVID-19 mula United Kingdom (UK) na natagpuan sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Idinagdag pa ng Pangulo, natatakot siya sa mga balita na nakakaapekto sa mga bata ang bagong COVID variant, hindi tulad sa original SARS COV2 strain.
Humingi si Pangulong Duterte ng pang-unawa sa kanyang naging pasya na bawiin ang bagong kautusan.
Hanggang hindi nakatitiyak ang mga health experts na ang UK variant ay nakakaapekto sa mga bata o hindi, mananatili ang kanyang kautusan.
Matatandaang inaprubahan ng IATF noong Biyernes na payagang lumabas ang may edad 10 hanggang 65 sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ.