Pangulong Duterte, bubusisiin ang presyo ng COVID-19 vaccines

Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na personal niyang sisilipin at kikilatisin ang presyo ng mga COVID-19 vaccines na kukunin ng pamahalaan.

Sa kaniyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Duterte na titingnan at bubusisiin niya ang halaga ng mga bakuna.

Iginiit ng Pangulo na ang lahat ng vaccine supply arrangements na ginawa ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. ay dadaan sa review.


Partikular aniya na sasalang ito sa pagbusisi ni Finance Secretary Carlos Dominguez.

Malabo aniya na makalusot pa ang anumang iregularidad sa Finance Department.

Dagdag pa ng Pangulo, panggulo lamang sa vaccine isyu ang mga taong nagsasabing nagawa nilang mapigilan ang overpricing o corruption sa vaccine procurement.

Duda rin si Pangulong Duterte sa mga alegasyon ng korapsyon dahil walang hinahawakang pera para sa procurement.

Ang presyo ng COVID-19 vaccines ay isa sa mga inuusisa sa pagdinig ng Senado.

Ilang mambabatas ang pinipilit ang mga opisyal ng gobyerno na ibunyag ang presyo ng bakuna sa ngalan ng transparency.

Dito iginiit ni Galvez na hindi maaaring ilabas ang presyo dahil nakatali ang pamahalaan sa confidentiality disclosure agreement sa vaccine manufacturers.

Una nang naglaan ang gobyerno ng ₱82.5 billion para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.

Facebook Comments