Pangulong Duterte, bumisita na sa puntod ng kanyang magulang

Binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang puntod ng kanyang mga magulang sa Davao City kagabi, araw ng Huwebes, bisperas ng Undas.

Dumating ang Pangulo sa puntod ng mga magulang nito na sina Governor Vicente at inang si Soledad sa Roman Catholic Cemetery dakong 6:38 ng gabi kasama si Sen. Bong Go.

Sa litrato na ibinahagi ni Sen. Bong Go, makikita ang Pangulo na nakaupo sa harap ng puntod ng kanyang mga magulang.


Halos isang oras din nagtagal ang Pangulo, bago siya umuwi sa kanyang bahay.

Nabatid na maagang binisita ng Pangulo ang puntod ng kanyang mga magulang dahil nakatakda siyang magtungo ngayong araw sa Thailand para dumalo sa 35th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Facebook Comments