Hihingi ng tulong si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa Korte Suprema sakaling hindi patas ang pagtrato sa kanya ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa kontrobersyal na giyera kontra droga.
Sa National Assembly ng PDP-Laban, sinabi ng pangulo na ito ang kanyang nakikitang legal remedy sa harap ng pagbabanta ng kanyang mga kritiko na isalang siya sa paglilitis sa international tribunal.
Aniya, maaari siyang sumadya sa Kataas-taasang Hukuman kapag pinagkaitan siya ng due process.
Iginiit din ng pangulo na walang hurisdiksyon ang international court sa kanya lalo na at hindi naging opisyal na batas sa Pilipinas ang Rome Statute na binuo ng ICC.
Aniya, ang tratado ay hindi nailathala sa Official Gazette, isang legal requirement bago ito maging epektibo sa bansa.