May ipinapatupad na no profanity rule sa mga miyembro ng Gabinete, pero hindi sakop nito si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang pahayag ng Malacañang matapos ang naging maanghang na tweet ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na pinapalayas ang mga barko ng China sa mga karagatan ng Pilipinas.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, walang lugar ang pagmumura sa larangan ng diplomasya.
Tanging si Pangulong Duterte lamang ang maaaring magmura at wala sinuman sa gabinete ang pwedeng gumaya.
Katwiran pa ni Roque na si Pangulong Duterte ay nagsisilbi bilang “principal” habang ang lahat ng Cabinet members ay kanyang alter egos.
Iginiit ni Roque na reresolbahin ang agawan ng teritoryo sa West Philippines Sea sa pamamagitan ng mapayapa at diplomatikong paraan.
Humingi na ng paumanhin si Locsin sa Chinese Foreign Minister sa kanyang tweet.