Pangulong Duterte, gagawaran ng Honorary Doctorate sa kanyang official visit sa Russia – relasyon ng Pilipinas at Russia, patatatagin pa ni P-Duterte

Manila, Philippines – Tatanggap ng Honorary Doctorate si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa Moscow State Institute of International Relations (MGIMO) sa pagbisita nito sa Russia mula May 23 hanggang 26.

Ang MGIMO ay isang elite institution para sa diplomatic training at international relations.

Umalis na si Pangulong Duterte mula sa Davao City International Airport kahapon ng hapon at nakatakdang dumating sa Moscow Lunes ng gabi, oras sa Moscow o Martes ng umaga sa Pilipinas.


Ito ang kauna-unahang International Honorary Degree na tatanggapin ni Duterte.

Bukas (May 24) magsasalita ang pangulo sa nasabing insitusyon para talakayin ang kanyang independent foreign policy na ipinapatupad.

Sa kanyang departure speech sa NAIA kahapon, sinabi ng pangulo na target ng kanyang pagbisita na patatagin ang relasyon ng Pilipinas at Russia na aniya’y nalimitahan dahil sa pakikipag-alyansa sa Amerika.

Kasama ang pinakamalaking business delegation ng Pilipinas, makikipagpulong si Duterte kina Russian President Vladimir Putin at Prime Minister Dmitry Medvedev.

Dito, inaasahang pipirmahan ang ilang bilateral agreement sakop ang defense at security.

Noong Biyernes, una nang sinabi ng pangulo na kakausapin niya ang Russia kung mabibigyan nito ang Pilipinas ng precision-guided missile.

Kabilang rin sa tinitingnan ng Department of National Defense ang pagbili ng eroplano at baril sa nasabing bansa.

Samantala, makikipagkita din si Duterte sa Filipino community sa Russia.
DZXL558

Facebook Comments