Pangulong Duterte, ginawaran ng absolute pardon si Pemberton dahil sa ‘unfair treatment’

Ipinaliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit niya ipinagkaloob kay United States Marines Lance Corporal Joseph Scott Pemberton ang absolute pardon.

Si Pemberton ay convicted noong 2015 dahil sa pagpaslang sa Filipino transgender woman na si Jennifer Laude sa Olongapo City noong 2014.

Sa kaniyang weekly public address, iginiit ni Pangulong Duterte na hindi nabigyan ng patas na treatment si Pemberton nang hindi magawang bilangin ng mga kinauukulan ang kaniyang Good Conduct Time Allowance (GCTA).


Dagdag pa ng Pangulo, maaaring nagpakita ng good moral character si Pemberton habang siya ay nakakulong.

Bago siya nagpasya, kinonsulta muna niya sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Justice Secretary Menardo Guevarra hinggil dito.

Iginiit din ni Pangulong Duterte walang sinuman ang maaaring kumuwestyon sa pardon na ibinigay niya kay Pemberton.

Nanindigan din si Pangulong Duterte na wala siyang pinapanigan sa kaniyang naging desisyon.

Sa ilalim ng absolute pardon, malaya nang makauuwi si Pemberton sa Estados Unidos dahil inalis na sa kaniya ang criminal liability at ibinalik na ang kaniyang civil at political rights.

Facebook Comments