Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang Executive Order (EO) na nagpapababa ng ipinapataw na taripa sa inaangkat na pork products.
Nabatid na in-adopt ng Senate Committee of the Whole ang isang resolusyon na hinihimok ang Pangulo na bawiin ang EO 128 o pansamantalang pagbaba ng import duty rates para sa pork products sa loob ng isang taon.
Sa kanyang Talk to the People Address, sinabi ni Pangulong Duterte na naiintindihan niya ang sentimiyento ng mga senador na tutol sa tariff cut sa imported pork.
Pero iginiit ng Pangulo na ang mababang taripa ay pansamantala lamang para madagdagan ang local pork supply at mapababa ang presyo nito sa bansa.
Kapag naging matatag na ang pork supply sa bansa ay kanyang babawiin ang EO.
Gusto lamang aniya ng mga senador na protektahan ang local hog raisers pero iginiit niya na ito ang rekomendasyon ng kanyang economic managers.
Sinabi naman ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, ang mababang taripa ay makatutulong para mapababa at abot-kaya ang presyo ng mga pagkain.
Kung madadagdagan ang supply ng baboy sa bansa, ang tinatayang inflation ay bababa ng 0.4%, o mula sa 4.2% patungong 3.8%.