Pangulong Duterte, handang buksan ang ekonomiya kapag nabakunahan na ang mayorya ng mga Pilipino

Hindi magdadalawang isip si Pangulong Rodrigo Duterte na buksan na ang ekonomiya ng bansa kapag mayorya na ng Pilipino ang handang magpabakuna at hindi mamimili ng COVID-19 vaccine.

Ito ang inihayag ng Pangulo sa kanyang talumpati sa pagsisinaya ng bagong school buildings sa East National High School at Lawang Bato National High School sa Valenzuela City.

Ayon sa Pangulo, hindi naman lahat ng mga Pilipino ay kailangang sabay-sabay na magpabakuna para mabuksan na ang ekonomiya ng bansa.


Pero sa ngayon, hangga’t hindi pa aniya nababakunahan ang mayorya ng mga Pinoy ay kailangang magpigil muna lalo na sa paglabas ng mga bata.

“Hindi kailangan lahat. Basta makita ko lang ‘yan. That is the standard. Hindi naman lahat sabay-sabay ‘yan eh. But if I see most of the citizens can avail of the vaccine in any of the health centers, hospitals, at wala ng — that is the standard, then I will reopen everything sa ating ekonomiya. For now, pigil ako sa mga — lalo na mga bata.” ani Duterte.

Tiniyak naman ng Pangulo na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng paraan para i-rollout sa buong bansa ang COVID-19 vaccination program para mabuksan na ang mga eskuwelahan at unti-unting maibalik ang face-to-face learning.

Facebook Comments