Iginagalang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pasya ng mga miyembro ng Kamara na manatili si Taguig Representative Alan Peter Cayetano bilang House Speaker.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi na mangingialam ang Pangulo sa panloob na usapin sa Mababang Kapulungan.
“Nirerespeto po ng Pangulo ang naging boto ng ating mga Kongresista doon sa issue kung sino ang karapat-dapat na mamuno sa kanila,” sabi ni Roque.
Batid aniya ng Pangulo ang nangyayari sa Kamara at iiwanan na niya sa mga kongresista kung sino ang pipiliin nilang lider.
“Katatawag lang po sa akin ni Presidente at ang sabi po niya stay out po tayo diyan. No comment po tayo diyan. That’s a purely internal affair of the House of Representatives,” sabi ni Roque.
Nabatid na namagitan si Pangulong Duterte kina Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco para ayusin ang girian sa House leadership.
Una nang lumabas sa mga ulat na nagkasundo ang dalawang mambabatas na kilalanin ang 15-21 term sharing agreement kung saan uupo si Velasco bilang bagong Speaker ng Kamara sa October 14.