Tuluyan nang ipinaaalis ng Makabayan sa Kamara ang automatic increase sa Philippine Health Insurance (PhilHealth) at Social Security System (SSS) contribution.
Kasabay nito ang paghamon ng mga kongresista ng Makabayan kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang mga panukala na nag-aalis sa automatic increase sa premium contribution ng SSS at PhilHealth.
Giit dito ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, kung seryoso nga si Pangulong Duterte na ipatigil ang pagtataas ng premium rate partikular sa PhilHealth ay dapat na agad sertipikahang urgent ang mga panukala sa lalong madaling panahon.
Parehong inihain ng Makabayan ang House Bill 8311 at House Bill 8310 na layong amyendahan ang Section 10 ng Universal Health Care Law at Section 4 A.9 ng Social Security Act of 2018.
Sa ilalim ng mga panukala ay pinatatanggal na ang automatic increase sa premium rate ng PhilHealth at SSS ngayong 2021 hanggang 2025.
Nakasaad kasi sa mga batas na simula ngayong taon ay tataas na sa 3.5% ang premium contribution sa PhilHealth at magtutuloy-tuloy ang rate increase sa 5% hanggang 2025.
Habang ang SSS naman ay magtataas sa premium nila ng 13% ngayong 2021, 14% sa 2023 at 15% sa 2025.