Nanindigan si Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi isinusuko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu ng teritoryo sa West Philippines Sea.
Ayon kay Lorenzana, nang sabihin ng Pangulo na siya ay “inutile” sa nasabing isyu ay hindi nangangahulugang ‘defeatist’ na siya.
Sinabi ni Lorenzana na ‘pragmatic’ at ‘realistic’ lamang ang Pangulo.
Iginiit ng kalihim na isinusulong ng bansa ang freedom of navigation at ang sovereign rights para mapakinabangan ang resources sa lugar.
Plano ni Pangulong Duterte na pag-usapan ito kasama ang China para resolbahin ang isyu.
Binigyang diin ni Lorenzana na hindi isinasantabi ng Pangulo ang territorial rights ng Pilipinas sa nasabing karagatan.
Nabatid sa kaniyang huling State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Pangulong Duterte na wala siyang magagawa sa isyu ng agawan ng teritoryo sa rehiyon at hindi niya kayang makipag-giyera sa China hinggil dito.
Paulit-ulit nang hindi kinikilala ng China ang pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong July 12, 2016 na nagbabasura sa historical claims ng Beijing sa South China Sea.