Nilinaw ng Malacañang na hindi pa nababakunahan ng second dose ng Sinopharm COVID-19 vaccine si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hinintay pa kasi ng Pangulo na maaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang Emergency Use Authorization (EUA) ng Sinopharm.
Matatandaang May 3 nang mabakunahan ng Sinopharm COVID-19 vaccine si Pangulong Duterte na lagpas na sa rekomendasyon ng World Health organization (WHO) na dapat iturok ang second dose pagkalipas ng tatlo hanggang apat na linggo.
“Kaya nga po kumuha na ang DOH ng EUA para dito sa mga donated na 1,000 na Sinopharm. Saan po gagamitin? Well, kasama na po diyan iyong second dose ni Presidente dahil hindi pa po nagkakaroon ng second dose ang ating Presidente dahil inaantay nga po itong EUA,” ani Roque.
Paliwanag naman ni Roque na ang inaprubahang EUA ng Sinopharm ay para lamang sa 1,000 doses na donasyon ng China kasama na ang unang dose na itinurok sa pangulo.
Kung kukuha panibagong supply ang bansa, kailangan aniyang mag-apply ng hiwalay na EUA sa FDA ang sinumang kompaniya na mag-aangkat nito.