Manila, Philippines – Mariing itinanggi ng Palasyo ng Malacañang na si Pangulong Rodrigo Duterte ang tumatayong tagapagsalita at negosyador ng pamilya Marcos.
Ito ang reaksyon ng Malacañang sa naging pahayag ng Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacañang o CARMMA na sinabi na kakampi ng pamilya Marcos si Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaan kasi na sinabi ni Pangulong Duterte na mayroong lumapit sa kanya na tagapagsalita umano ng mga Marcos na sinabing handang magbalik ng nakaw na yaman at ilang gold bars ang mga Marcos.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, binanggit lang ni Pangulong Duterte ang nasabing isyu sa ngalan ng transparency.
Binigyang diin pa ni Abella na ang kapakanan lang naman ng sambayanan ang iniisip ni Pangulong Duterte at ang publiko naman ang makikinabang sakaling ibalik ang mga nakaw na yaman ng mga Marcos.