Ilang mambabatas at eksperto ang humimok kay Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ang pagiging ‘masunurin’ sa China, at gumawa na ng paraan para maprotektahan ang mga teritoryo ng Pilipinas.
Kasunod ito ng umiinit na usapin sa West Philippine Sea dahil na rin sa presensya ng mga barko ng China sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ayon kay Bayan Muna Party-list Representative Neri Colmenares, marapat na isantabi na ng Pangulo ang mga polisiya nito kasama ang China at intindihin na ang kalagayan ng mga teritoryo ng bansa.
Habang giit naman ni Maritime law expert Jay Batongbacal, marami nang pribilehiyong ibinigay ang bansa sa China, kapalit ng mga investment at imprastruktura, na umaabot sa puntong nawawalan na ng karapatan at hurisdiksiyon ang bansa.
Kasabay nito, sinabi naman ni Vice President Leni Robredo na panahon na upang makipagsundo ang Pilipinas sa mga kalapit na bansa nito upang mapigilan ang pang-aangkin ng China sa mga hindi nito teritoryo.
Maituturing kasi aniyang nakakagalit at masakit sa damdamin na kahit ang mga mangingisdang Pilipino ay nawawalan na ng kakayahang makapaghanap-buhay dahil pinapaalis ito ng mga barko ng China.
Sa ngayon, kabilang na ang kontrobersiya sa West Philippine Sea sa mga napag-usapan nina Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin Jr. at U.S. Secretary of State Blinken
Habang natalakay din ng dalawa ang pagpapalakas sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at ng United States