Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinalalakas ng Estados Unidos ang kanilang presensya sa Subic kung saan gagamitin muli nila ang ilang lugar bilang base militar.
Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng pahayag ni Vice President Leni Robredo na ‘extortion’ ang ginagawa ng Pangulo nang pinagbabayad niya ang US para mapanatili ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Duterte na posibleng sumentro sa Pilipinas ang gulo.
Aniya, maraming armas ang inilagak ang Amerika sa bansa at hindi ito alam ni Vice President Leni Robredo.
Iginiit ng Pangulo na ang mga impormasyong ito ay mula na mismo sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Punto pa ng Pangulo na inaabot ng ilang taon bago dumating ang mga armas na in-order ng Pilipinas sa US.
Mayroon ding pagkakataon na hindi pinagbigyan ng US Congress ang hiling ng Pilipinas na makabili ng helicopters.
Noong September 16, 1991 – Sa botong 12-11, ibinasura ng Senado ang panukalang palawigin ang basing agreement sa US, resulta para ipasara ang lahat ng base militar nila rito sa bansa.