Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order na pansamantalang nagpapababa ng import taxes sa pork products para mapatatag ang supply at presyo nito sa bansa.
Ang desisyong ito ng Pangulo ay kasunod ng hiling ng Kongreso na itaas ang Minimum Access Volume (MAV) para sa pork imports ngayong taon sa 350,000 metric tons.
Sa ilalim ng EO No. 128, inaprubahan ng Pangulo na bawasan ang import tariff para sa fresh, chilled o frozen pork sa 5-percent mula sa 30% sa ilalim ng MAV quota sa loob ng tatlong buwan.
Ang rate ay tataas sa 10% sa susunod na siyam na buwan hanggang sa makabalik ito ng 30% tariff rate.
Para sa pork imports na lagpas sa quota, ang tariff rate ay itatapyas sa 15% mula sa 40% para sa unang tatlong buwan.
Itataas ito sa 20% sa susunod na siyam na buwan hanggang sa makabalik sa 40%
Batid ni Pangulong Duterte na aabutin ng ilang buwan bago makarekober ang local swine industry at maabot ang sapat na local pork production.
Ang African Swine Fever (ASF) ay nag-iwan ng matinding epekto sa local hog industry.
Ang EO ay pinirmahan ni Pangulong Duterte nitong April 7 at agad na magiging epektibo matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa iba pang pahayagan.
Magiging epektibo ang EO sa loob ng isang taon.