Pangulong Duterte, inatasan na ang PNP na bantayan ang mga hotel na nagsisilbing quarantine facilities

Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na bantayan ang mga hotel na nagsisilbing quarantine facilities para sa mga umuuwing Pilipino.

Ito ay kasunod ng insidente ng tinaguriang ‘Poblacion girl’ na si Gwyneth Chua na lumabas ng hotel kahit hindi pa tapos ang quarantine at nakapag-party pa kung saan kalaunan ay positibo pala ito sa COVID-19 at nahawahan ang mga nakasalamuha.

Sa Talk to the People kagabi, sinabi ng Pangulo na walang kapangyarihan ang mga hotel personnel para pigilan ang mga gustong lumabas ng quarantine kung kaya’t kinakailangang may nagbabantay na otoridad sa labas ng hotel.


Noong Lunes, inatasan na ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang PNP na mag-deploy ng kanilang mga tauhan upang magbantay ng mga naka-quarantine.

Samantala, sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na may pananagutan ang mga hotel na nagsisilbing quarantine facilities sa ilalim ng Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting on Notifiable Diseases.

Facebook Comments