Pangulong Duterte, inatasan si Secretary Carlito Galvez Jr. na ipaalam kay SP Sotto ang kasunduan sa pagbili ng COVID-19 vaccine

Inihayag ni Senator Christopher Bong Go na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na ipaalam kay Senate President Tito Sotto III ang kasunduan ukol sa pagbili ng gobyerno ng bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Go, nakausap na rin niya si SP Sotto hinggil sa nabanggit na direktiba ng Pangulo na ang layunin ay magkaroon ng transparency kaugnay sa vaccination program ng pamahalaan.

Ang aksyon ng Pangulo ay kasunod ng pag-apela ng mga Senador na isapubliko ang presyo ng bibilhing bakuna ng gobyerno mula sa Sinovac at iba pang vaccine manufacturers.


Una rito ay nagpatutsada ang Pangulo na mag-oorder ang pamahalaan ng bakuna mula sa Pfizer para sa mga Senador kung saan agad nilinaw ng mga ito na hindi sila humihiling ng vaccine kundi transparency lalo na presyo nito at iba pang detalye.

Paliwanag ni Go, ang naunang pahayag ni Pangulong Duterte ay reaksyon lang sa isang column na kanyang nabasa.

Umaapela si Go sa Pangulo at kay SP Sotto na magkaisa na lang upang makapag-umpisa na ng pagbabakuna para sa kapakanan ng bayan at ng mahihirap na mga Pilipino.

Facebook Comments