Pangulong Duterte, ipinagtanggol ang pagtatalaga sa mga bagong opisyal ng Comelec

Dinepensahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatalaga sa tatlong opisyal ng Commission on Elections (Comelec).

Ito ay makaraang kwestiyunin ng poll watchdog na Kontra Daya ang transparency sa proseso ng pagpili sa mga bagong opisyal.

Matatandaang Marso 8 nang kumpirmahin ng Malacañang ang pagtatalaga kay Saidamen Pangarungan bilang chairperson ng Comelec at kina Atty. George Garcia at Aimee Neri bilang mga commissioner.


Hinikayat pa ng Kontra Daya ang Malacañang na ilabas ang shortlist ng mga kandidato para sa mga nasabing posisyon para sa transparency dahil walang public vetting sa proseso ng pagpili.

Giit naman ni Pangulong Duterte, kwalipikado sa posisyon si Pangarungan

“He’s a Maranao, he’s good, he’s a lawyer, at saka marami na itong dinaanan na sa gobyerno,” depensa ng pangulo.

Habang “neutral choice” umano ng pangulo si Garcia bilang beteranong abogado na kumakatawan sa dati nitong political rival na si Prospero Nograles.

“Ever since iyan ang sa kabila eh. Kami ni Boy Nograles over the years, siya ‘yung nasa kabila… Pero siya ‘yung inappoint ko. Wala akong sinabihan.”

Si Pangarungan ay dating kalihim ng National Commission on Muslim Filipinos at dating gobernador ng Lanao del Sur.

Nagsilbing namang abogado ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Garcia sa kasagsagan ng electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo noong 2016 habang nagsilbing undersecretary ng DSWD, assistant secretary ng DOJ at consultant ng Davao City Mayor’s office si Neri.

Facebook Comments