Nasa kamay ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ipupursige ang pagpapawalang bisa sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa Estados Unidos.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, tanging si Pangulong Duterte lamang ang maaaring makapagpasya hinggil dito.
Tiwala ang kalihim na makakapaglabas ng tamang desisyon ang Pangulo sa Disyembre kung saan mapapaso na ang suspensyon ng VFA abrogation.
Bagamat ikinokonsidera ng Pilipinas ang China bilang kaibigan sa kabila ng agawan ng teritoryo sa West Philippines Sea, naniniwala si Locsin na kailangan ng presensya ng US Military sa East Asian region.
Mahalaga aniya ito sa pagbalanse ng kapangyarihan sa rehiyon.
Nitong February 11, pormal na nagpadala ang gobyerno ng notice of termination ng VFA sa US na magiging epektibo sana pagkatapos ng 180 araw maliban na lamang kung magkaroon ng negosasyon.
Pero nitong June 1 ay nagpadala ang DFA ng diplomatic note kung saan inaabisuhan ang US Embassy sa Manila hinggil sa kautusan ni Pangulong Duterte na suspendihin ang nakatakdang kanselasyon ng VFA sa loob ng anim na buwan.