Pangulong Duterte, mamamatay muna bago humarap sa ICC

Mas nanaisin pa ni Pangulong Rodrigo Duterte na mamatay kaysa humarap sa dayuhang huwes o sa International Criminal Court (ICC).

Ito ang pahayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque makaraang bigyan ng “go signal” ang pagsasagawa ng pre-trial chamber ng ICC sa umano’y crimes against humanity na nagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang anti-illegal drugs campaign.

Ayon kay Roque, noon pa man nananatili ang paninindigan ng pangulo na kung may isasampang kaso laban sa kanya ay isampa ang reklamo sa korte sa Pilipinas sapagkat gumagana ang lahat ng hukuman sa bansa.


Dahil dito, wala aniyang hurisdiksyon ang ICC sa pangulo dahil noong 2019 ay tumiwalag na ang Pilipinas sa Rome Statute na nagtatag sa ICC na nangangahulugang walang aasahang kooperasyon ang mga prosecutors ng ICC mula sa ating panig.

Kasunod nito, naniniwala ang kalihim na matutulog o mabibinbin lamang at mauuwi sa wala ang reklamo ng ICC laban sa pangulo.

Binigyang diin pa ni Roque ang naunang desisyon ng pre-trial chamber ng ICC na nagsasabing huwag nang ituloy ang imbestigasyon dahil maliit lamang ang tyansa na magkaroon ng matagumpay na prosecution at ito ay pagsasayang lamang ng oras at resources ng ICC.

Facebook Comments