Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang naupo bilang Pangulo ng bansa, mananatili lamang sa Bahay Pagbabago sa Malacañang park si Pangulong Rodrigo Duterte sa buong panahon ng Semana Santa.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo sa kanyang virtual presscon.
Ayon kay Panelo, hindi magtutungo ng Davao City ang Pangulo para makasama ang pamilya ngayong holy week na taon-taon nitong ginagawa.
Sinabi ni Panelo na nagpasya ang Pangulo na huwag na munang umuwi sa Davao, dahil mas kailangan siya rito sa Manila para sa tuloy-tuloy na pagbabantay ng pamahalaan sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.
Dahil dito, hindi na rin makakasama ng Pangulo ang anak na si Veronica o Kitty na magdiriwang ng kaniyang ika-labing anim na kaarawan sa April 10.
Tiniyak naman ni Panelo na maayos ang kundisyon ng Pangulo at walang nararanasang anumang sintomas ng COVID-19 maliban na lamang sa hindi ito masyadong nakatutulog dahil sa pag-iisip sa problema ng bansa dahil sa COVID-19.