Pangulong Duterte, may tatlong priority directives sa bagong PNP Chief; Sinas, may hamon sa mga nag-aakusa sa kaniya ng human rights violation

Photo Courtesy: Philippine National Police

Inihayag ngayon ng bagong PNP Chief na si Police General Debold Sinas na iniutos sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy, paigtingin at palakasin ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Ayon kay Sinas, gagawin nila ang lahat para mabawasan o kaya ay mahinto na ang pagkalat ng iligal na droga sa iba’t ibang parte ng bansa.

Bukod dito, inatasan din siya ng Pangulo na gawin ang lahat ng hakbang para mabawasan o mawala ang korapsyon sa kapulisan kung saan nais ng PNP Chief na ipatupad ang “no take policy” na una na niyang ginawa noong siya ay nakaupo bilang pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO).


Sinabi pa ni Sinas na hangad din ng Pangulo na ipagpatuloy niya ang mga programa at mga hakbang para matigil na ang terorismo sa bansa.

Samantala, hinamon ni Sinas ang mga kritiko nito na nag-uugnay sa kaniya sa ilang pagpatay at paglabag sa karapatang pantao na naganap habang nakaupo siya bilang director ng Central Visayas Police Office na sampahan siya ng kaukulang kaso sa korte.

Hinggil naman sa isinagawang mañanita party sa kasagsagan ng COVID-19 lockdown sa Metro Manila, iginiit ni Sinas na nakabinbin pa rin ang kaso sa Taguig Prosecutor’s Office.

Facebook Comments