Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng ₱50,000 hanggang ₱100,000 sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa anumang ghost project sa gobyerno.
Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng pagsasapubliko niya ng mga pangalan ng mga opisyal at tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na kinasuhan o sinuspinde ng Office of the Ombudsman.
Sa kanyang “Talk to the Nation” address, sinabi ni Pangulong Duterte na alok niya ang nasabing insentibo sa mga makapagsusumbong ng anomalya sa gobyerno at isiwalat ang sindikatong nasa likod nito.
Pagtitiyak ni Pangulong Duterte na poprotektahan niya ang pagkakakilanlan ng mga magbibigay ng impormasyon.
Sakaling ma-harass ang mga magsusumbong, siniguro ng Pangulo na babarilin niya ang mga ito.
Kapag natanggap niya ang impormasyong hinggil sa maanomalyang proyekto, sinabi ni Pangulong Duterte na ‘pahihinugin’ niya ito para magawan ng kaukulang aksyon.
Ang kontrata aniya ang magsisilbing ebidensya laban sa mga sangkot sa anomalya.
Babala rin ng Pangulo sa mga nasuspindeng opisyal na titiyakin niyang matatanggal na sila sa puwesto kapag nasangkot pa sila sa iregularidad.
Nagpaalala rin ang Pangulo sa mga iba pang government officials na panatilihing malinis ang kanilang record at handa niyang palitan ang mga ito ng mga maaasahan at tapat kapag nasangkot sila sa korapsyon.