Manila, Philippines – Nagpahiwatig umano si Pangulong Rodrigo Duterte ng pagiging bukas nito sa posibilidad na pag-takeover ng gobyerno sa Hanjin Philippines.
Ang nasabing shipyard ay isa sa mga dating pinakamalaking investor sa loob ng Subic Bay Freeport.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana – magandang pagkakataon ito dahil kung magkataon, hindi na kakailanganin pang bumili ng Pilipinas ng barko sa ibang bansa para sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard.
Noong isang taon, umabot sa 7,000 mga manggagawa ng Hanjin ang inalis sa trabaho matapos itong malugi.
Habang ngayong taon, 3,000 pang mga mangagawa ang posibleng mawalan na rin ng trabaho sa nasabing South Korean firm base sa pagtaya ng DOLE.
Sabi ni Lorenzana – pag-aaralan ng mga economic manager ng pangulo kung kakayanin ng pamahalaan ang pag-takeover dito.
Nabatid kasi na umaabot sa 430-million dollars o katumbas ng mahigit 8.15-billion pesos ang utang ng kompanya sa mga lokal na bangko sa bansa.
Lumutang din ang posibilidad na kunin ang pondo mula sa P75-billion na nakitang insertion sa panukalang 2019 national budget.