Binasag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pananahimik hinggil sa ‘Recto Bank Incident’.
Sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng Philippine Navy kanina sinabi ng Pangulo na isa lang maritime incident ang nangyari.
Kasabay nito, hinikayat niya ang publiko na huwag agad maniniwala sa mga pulitiko na nag-uudyok na papuntahin ang Philippine Navy sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Gustuhin man daw niyang magpadala ng gray ship sa West Philippine Sea hindi niya ito magagawa dahil hindi handa ang Pilipinas sa giyera sakaling magkamali ng aksyon ang gobyerno.
Sa ngayon, makabubuti aniya na hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon at bigyan ng pagkakataon ang China na maipaliwanag ang kanilang panig.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, huwag hayaang mapagulo ng maliit na insidente ang sitwasyon.