Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing vaccination centers ang mga police station sakaling magkaroon na ng bakuna laban sa COVID-19.
Sa kaniyang public address, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police (PNP) na linisin ang kanilang mga presinto.
Dapat tanggapin aniya ang lahat ng Pilipinong gustong magpabakuna.
Bagama’t wala pang bakuna laban sa sakit, tiwala ang Pangulo na magkakaroon na nito pagdating ng Disyembre.
Ang China ay isa sa mga bansang nagde-develop ng COVID vaccine at ang Pilipinas ay isa sa mga prayoridad na bansang mabibigyan ng kanilang bakuna.
Matatandaang inatasan ng Pangulo ang sundalo at pulis na manguna sa pagpapatupad ng immunization campaign ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Target ng programa na mapabakunahan ang 20 milyong mahihirap na Pilipino.