Hahayaan na ng Malacañang na magbigay ng opinyon ang publiko sa mga litrato kung saan makikitang pinapaandar ni Pangulong Rodrigo Duterte ang motorsiklo.
Ito ang pahayag ng Palasyo sa mga tanong kung ang mga litratong nagmo-motorsiklo ang Pangulo ay mapapawala ang mga haka-haka sa lagay ng kaniyang kalusugan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sadya nilang ipinakikita sa publiko ang mga ganitong aktibidad ng Pangulo upang sila na rin ang mapakapagsasabi sa kung ano ang lagay ng kaniyang kalusugan.
Nitong Miyerkules, naglabas ng mga litrato si Senator Christopher Go kung saan nakaupo si Pangulong Duterte sa isa sa mga motorsiklong nakaparada sa Presidential Security Group Compound.
Nais ng Pangulo na mag-ikot sa compound gamit ang motorsiklo pero hindi ito ipinapayo sa kaniya ng kaniyang security aides.
Nabatid na naging limitado ang kilos ng Pangulo lalo na at mahigpit ang ipinatutupad na health at security protocols ng PSG sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Noong October 2019, nagkagalos si Pangulong Duterte kasunod ng kaniyang aksidente sa motorsiklo sa loob ng compound ng Palasyo.