Pangulong Duterte, nilagdaan ang EO para sa proteksyon ng refugees sa bansa

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang Executive Order (EO) na magbibigay proteksyon sa mga refugee, stateless person at mga indibidwal na humihingi ng asylum o ang persons of concern (POC).

Batay sa EO 163, nakasaad ang pagtatatag ng Inter-Agency Committee on the Protection of refugees, stateless persons at asylum seekers na pangungunahan ng Department of Justice (DOJ) bilang chairman at Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang vice chairman, gayundin ng iba pang mga ahensiya ng gobyerno bilang mga miyembro.

Layunin ng komite na tulungan ang mga nasabing indibidwal na ma-access ang mga serbisyo alinsunod sa batas at paghusayin pa ang kanilang pag-access sa mga korte, mga programa sa pangangalagang pangkalusugan, dokumentasyon, at kakayahan at mga pagkakataon sa kabuhayan.


Kailangan ding makipag-ugnayan ng komite sa High Commissioner for Refugees ng United Nations (UN) at iba pang international bodies para siguruhing maibibigay nang tama ang kinakailangang serbisyo at proteksyon ng nasabing mga indibdiwal.

Dapat ding magkaroon ang mga ito ng sistema ng referral at isang database para sa pagsubaybay sa mga taong ito.

Ang kautusang ito ng Malakanyang ay bilang pagkilala na sa 1951 United Nations Convention Relating to the Status of Refugees, 1954 United Nations Convention Relating to the Status of Stateless Persons, at 1961 Convention of the Reduction of Statelessness.

Facebook Comments