Manila, Philippines – Hiniling ng ilang mga lider sa Kamara na pagkatiwalaan muna ang Pangulong Duterte sa hiling nito na pagpapalawig sa martial law sa Mindanao.
Ayon kina Deputy Speakers Gwen Garcia at Fred Castro, may mga basehan ang Pangulo sa pagdedeklara na palawigin ang martial law.
Sinabi ni Garcia, ang Pangulo ang tanging may access sa lahat ng kritikal na impormasyon at marami dito ay hindi available kahit sa kanilang mambabatas.
Batid umano ng Pangulo na bilang Commander-In-Chief ay alam ng Presidente kung ano ang nararapat na solusyon sa Marawi.
Para naman kay Castro, hindi pa nadudurog ang galamay ng rebelyon na dahilan ng martial law at hindi pa tuluyang naibabalik ang peace and order kaya may basehan ang martial law extension.
Kasabay ng pahayag ni Duterte na hanggang December 2017 ang martial law ectension ay ipinauubaya ng mga mambabatas sa Pangulo kung gaano katagal at ang lawak ng sasakupin ng extension ng batas militar.