Pangulong Duterte, pinag-aaralang maigi ang vape bill bago ito isabatas o tuluyang ibasura

Tiniyak ng Malacañang na dadaan sa masusing pag-aaral ang vape bill o ang panukala na magri-regulate sa paggamit ng vape sa bansa.

Pahayag ito ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles sa gitna ng panawagan ng mga medical groups kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang panukalang ito, dahil lalabagin anila nito ang pangako ng pangulo na labanan ang addiction sa Pilipinas.

Ayon sa kalihim, lahat ng batas na magmumula sa Kongreso ay dumadaan sa vetting process ng Malakanyang at pinagaaralan ang mga ito ng maagi.


Matapos nito ay saka ipadadala sa tanggapan ng pangulo para sa kaniyang pinal na pasya, kaya’t mainam na hintayin na muna ang magiging desisyon ni Pangulong Duterte.

Matatandaan na sa ilalim ng panukala, ibinaba sa 18 years old ang edad na maaaring gumamit ng vape, mula sa kasalukuyang 21 years old.

Isa rin sa kinu-kwestyong probisyon ng panukala ang pagbibigay ng otorisasyon sa Department of Trade and Industry (DTI) na i-regulate ang vaping devices at products, na ayon sa Food and Drug Administration (FDA) ay dapat ipaubaya sa health agency, lalo’t usapin ito sa kalusugan.

Una na nagpahayag ng pagtutol ang Department of Health (DOH) hinggil sa nasabing panukala.

Facebook Comments