Pangulong Duterte, pinagsabihan si dating ambassador Cuisia na manahimik na lamang tungkol sa WPS

Pinatutsadahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Philippine Ambassador to Washingtom Jose Cuisia Jr. na binatikos ang administrasyon dahil sa hindi prinessure ang China sa pamamagitan ng United Nations General Assembly (UNGA).

Iginiit ni Pangulong Duterte, hindi madaling resolbahin ang isyu sa West Philippines Sea.

Mas makabubuting tumahimik na lamang si Cuisia.


“But the West Philippine Sea, they are there not because they say that they want to add to their territory. They are there because they say that it’s theirs and they claim of ownership,” sabi ni Pangulong Duterte.

Muling isinisisi ni Pangulong Duterte sa nakaraang administrasyon ang pagkawala ng Scarborough o Panatag Shoal sa bansa noong 2012.

Nabanggit din ng pangulo si dating Senator Antonio Trillanes IV na bumiyahe sa China ng 16 na beses bilang backchannel negotiator.

“Siya ‘yong nag-shuttle between —sila ‘yong nag-usap, si the late President Aquino, si Cuisia at ito si Albert. Si Cuisia naman bombastic and fumigated against me, bakit ko daw hindi…?,” ani Pangulong Duterte.

Dagdag pa ni Pangulong Duterte, nasa maayos na sitwasyon na ngayon ang mga Pilipinong mangingisda dahil mayroong “delineation”.

Si Cuisia ay itinalaga ni dating Pangulong Noynoy Aquino bilang ambassador ng bansa sa Estados Unidos mula 2011 hanggang 2016 at dating governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Matatandaang hinikayat ni Cuisia ang Duterte administration na iakyat ang WPS issue sa UNGA at itaguyod ang 2016 arbitral ruling na nagbabasura sa malawakang pag-angkin ng China sa naturang karagatan.

Facebook Comments