Pangulong Duterte, pinaiimbestigahan sa Kongreso ang lahat ng ahensyang sinita ng COA; Gordon, tinawag na “talkathon champion”

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kongreso na imbestigahan ang lahat ng ahensya ng gobyerno na sinita ng Commission on Audit (COA) dahil sa isyu ng paggasta sa kani-kanilang COVID-19 pandemic response fund.

Sa kanyang Talk to the Nation na ini-ere kaninang umaga, muling binanatan ng pangulo ang mga mambabatas sa pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa mga overpriced na pandemic supplies.

Giit niya, huwag agad paniwalaan ang sinasabi ng Kongreso dahil pumuporma lamang ang mga mambabatas para sa eleksyon.


Dito ay diretsahan ding binanatan ng pangulo si Senador Richard Gordon na tinawag niyang “talkathon champion.”

“Makita mo si Gordon kapag committee hearing niya, maraming mga kongresman ‘pag roll call pero dahan-dahan yan mawala kasi si Gordon ang champion sa talkathon. Puro daldal!” banat ng pangulo.

“Sino napakulong niya sa anomalya ng gobyerno? Sino? Ang advise ko sa’yo, magpapayat ka muna para medyo… nalilipong ako pag tinitingnan kita,” dagdag niya.

Sabi pa ni Pangulong Duterte, nakatuon lang ngayon ang lahat sa DOH dahil sa COVID-19 pandemic.

“Bakit hindi ninyo imbestigahan lahat? Matami ang na-flag hindi lang ang DOH. Kaya lang ang DOH high profile because of the COVID situation,” saad niya.

“Alam mo sa totoo lang, Secretary Duque, I will not sit beside you kung alam kong may kalokohan ka.”

Samantala, bukod kay Health Secretary Francisco Duque III, ay ipinagtanggol din ng pangulo ang Chinese businessman na si Michael Yang na nadawit sa kontrobersyal na overpriced face mask at face shield na binili ng Department of Budget and Management (DBM).

Facebook Comments